Tuwing sasama ako pauwing probinsya sa Bicol, parati kong ninanais na libutin ang mga karatig lugar nito. Isa ang lugar namin sa pinakadulong parte kung kaya’t karamihan ng tirahan dito ay nakapaloob na sa isang kagubatan. Minsan ko na ring inisip kung paano ba mamuhay ang mga tao rito. Maraming tanong ang nabubuo sa aking isipan, gaya ng kung paano na lang nag-aaral ang mga bata rito, paano kokonsulta sa doktor ang mga maysakit kung ilang oras pa ang biyahe papuntang pampublikong ospital, anong pananampalataya ang mayroon sila kung napakalayo rin ng mga simbahan. Sa madaling salita, nais kong malaman ang uri ng pamumuhay ng mga taong salat sa impormasyon at tulong mula sa pamahalaan.
Hindi ko man nausisa ang mga tao sa lugar na ito, dinala naman ako ng akda ni Levy Balgod de la Cruz sa isang pamayanang katulad ng iniisip ko. Ang ritwal ay tumatalakay ng iba’t ibang isyung panlipunang napapanaho’t hindi nabibigyang pansin. Nang dahil sa kakulangan ng tungon ng pamahalaan sa iilang mga liblib na lugar sa ating bansa, nawawalan sila ng karapatang dapat ipinagkakaloob sa kanila. Makikitang ang kuwento ay iikot sa iba’t ibang paniniwala ng mga tao roon. Walang maayos na relihiyon ang mga tao rito kaya’t sila na mismo ang gumagawa ng sariling paniniwala. Nang dahil dito ay nagkakaroon ng maling pag-unawa at intindi ang mga tao sa pinakakonsepto ng relihiyon. Wala ring basehan ang kanilang pinaniniwalaan dahil kapwa mamamayan lang din nila ang nagtatakda nito. Ang mga batang tulad ni Anna naman ay sumisimbolo sa mga batang mahihirap na uhaw sa kaalaman, ngunit walang kapasidad makapasok ng paaralan. Si Gido naman ang halimbawa ng pagiging religous fanatic ng isang tao. Ito ay ang sobrang paniniwala sa isang bagay na nagiging resulta sa kawalan ng kritikal na pag-iisip ng isang tao. Kumbaga, masyado tayong kumakapit sa isang bagay na nawawalan na tayo ng kapasidad magbigay ng obhetibong rason. Ang Santo Sepulcro ay simbolismo ng ilang daang komunidad sa Pilipinas na hindi nabibigyang pansin ng pamahalaan. Sila itong mga sinisiil at inaalisan ng karapatan. Ang kawalang pansin ay nagbubunga ng bansot na pag-iisip at kakayahang gumawa nang isang bagay na kapaki-pakinabang. Ang ritwal ay isang akdang sampal sa pamahalaan na nagpapakita kung gaano karamihang isyu ang maaaring sakupin ng kawalan ng tugon sa mga mahihirap.
Progresibo pa rin bang maituturing ang isang bansang maraming mahihirap ang hindi mabigyang pansin?
Kung kaya’t ang akda ni Levy Balgos de la Cruz ay pambihira. Ang pagkakagawa ng kuwento ay hindi karaniwan. Maraming plot twist ang akda at dito mo mapagtatanto ang mga problemang isinisigaw nito. Hindi rin karaniwan ang mga salitang ginamit. May iilang hindi na karaniwang ginagamit sa ngayon na naging dagdag kaalaman sa bokabularyo ang aking natutunan. Malinis ding naikuwento ang nais ipabatid ng manunulat. Mayroong diwa ng pananabik sa mga mambabasa dahil hindi agad inilalahad ang ibig sabihin.
Sa tingin ko, mas mainam na hindi gaano malalim ang karamihan sa mga salitang dapat ginamit. Maaaring makatulong ito upang lumalim ang kaalaman sa wika ngunit mas mainam na bawasan ito para maintindihan nang mas mabilis ng mga mambabasa. Masyado ring mabigat ang akda at mas maiging magkaroon ng kaunting humor sa kuwento. Ngunit kung aking mamarkahan ang kabuuang akda, nararapat lamang na bigyan ito ng palakpak.